Ang Mahiwagang Sinaing
- joeyayala
- Jul 17
- 4 min read
Madaling araw nang mamatay si Kapitbahay Aimish. Alas-tres ng umaga, ang oras ng pinakamaraming kasong hika at panganganak sa mga emergency room. Nakalabas na siya sa ICU makalipas ang dalawang araw ng pakikipagbuno sa birus. E mukhang may di sinasadyang pagkabunot ng kanyang mga tubo-tubo. Ayun. Estimated Departure Time, 3 a.m. Nakikiramay po.
As usual, alas-singko ako nagising. At unusual, dahil di namin ugaling magsaing sa umaga, may naamoy akong bagong sinaing. Amoy mainit, malambot, at matamis na kaning puti, yung kaning tiyak na susundot sa iyong blood sugar. Maputing amoy na nakalutang sa luntiang hanging mahamog na bumubuhos mula sa punong tigib sa tapat ng bintanang nakadilat.
Sino kaya ang nagsaing... ah, baka si Maria, tapos nakabalik siya'ng tulog. O baka si Ansyang na aming kapitbahay na part-time kasambahay. Milagrong ginanahan magsaing tapos umuwi sa kabilang bakod. O baka mas-milagro pa, si Jun, na hindi adik sa kanin at hindi kasama sa kanyang employable skills ang pagsaing. At hindi naman ako yung tipong nagsasaing habang tulog.
So, pagbangon ni Maria, tinanong ko siya - nagsaing ka ba? Hindi, iling niya. Mas-mainit pa ang ulo ng bagong gising kaysa sa nag-iinin na kanin. Nagluto siya ng sikwateng Malagos at tumuloy sa kanyang home office para matapos ang pag-gising.
Maya't-maya heto na si Ansyang, may dalang pan de sal galing sa Emong's. Malunggay pandesal. Tipong nalaglagan ng ilang dahon habang nagmamasa ang panadero sa ilalim ng puno. Maliliit na pandesal, dalawang kagat bawat isa kapag mahinhin ang kumakain.
Nagsaing ka ba kanina, tanong ko. Hindi kuya, iling niya. Di siya naghuhubad ng facemask at alalang-alala siya dahil ako, humaharap sa mga delivery na di nakamaskara. Pag ako tinamaan, wala na raw magsusweldo sa kanya.
Kaya nga ako may dalang tinapay kasi di naman kayo nagkakanin sa umaga, di ba? Terty pesos.
Kumuha ako ng anim na tig-limang piso na amoy alcohol pa mula sa aking birus bowl - kung saan lahat nang nahahawakan ng ibang tao ay aking stina-strafingan ng 70% ethyl. Ansyang o. Sigurado ka? Di ka nagsaing?
Baka si Ate?
Hindi raw...
Si Jun?
Ay lalong hinde...
Medyo lumaki yung kanyang mga mata at parang naluha nang bahagya. Hala, nagparamdam si Ate Aimish. Rice dealer pa naman siya!
Totoo, may tarp pa nga sa bakuran nila. Aimish, Rice Dealer. Dyaran. Suspenseful music. Tumindig ang balahibo ko. Hindi a! sabi ko. Pero naramdaman kong kumakalabog yung aking puso. Baka nageksperimento si Jun.
Mayat-maya, nagising na rin si Jun, nag-CR. Inabangan ko siya. Paglabas niya, agad kong tinanong - nagsaing ka ba kanina?
Ang tingin niya sa akin parang "are you crazy?". Mahirap talagang kumausap ng bagong gising. Parang dapat ipaliwanag ko yung aking katanungan.
Pag-gising ko kanina kasi may bagong sinaing. Ikaw na lang ang di ko pa natatanong. Si nanay mo at si Ansyang parehong tumanggi.
Hindi ako, sabi ni Jun, sabay balik sa silid.
Process of elimination. Hindi si Maria. Hindi si Ansyang. Hindi si Jun. Hindi ako. Therefore, ang nagsaing ay yung kamamatay lang! Brilliant deduction. Elementary, Watson.
Baka naman kapitbahay ang nagsaing. Nagkamali ng pasok sa bahay pero dahil sobrang lasing o di kaya nag-sleepwalking, nakapagsaing at umuwi. Unlikely. Paano siya nakapasok? Wala namang signs of forced entry. Dalawang dekada na ako rito at di pa yan nangyayari. Pero, mas-unlikely na yung kamamatay lang ang nagsaing di ba? Di ba? Di ba?
Habang umaalingnawngaw sa isipan ko ang palaisipang ito dinaanan ko ang mga gawaing-umaga. Ayos-higaan. CR. Tubig. Bihis. Linisan ang kalat ng aso, pusa, at ng iba pang mga bisitang tumitira sa tira-tira ng tao't hayop. Tsk. Kaya nga binabasbasan ni Mr. Dog itong kantong ito para ipaalam sa mga pusang-maton na may may-ari itong teritoryo.
Walang kaming problema sa basurang nabubulok dahil kinakain naman ng mga dagang-ilog ang mga panapon ng kusina. May dining area sila sa labas para di na sila pumasok sa bahay - doon inihahain ang mga ayaw kainin ni Mr. Dog at ni Mr. Cat. Bahala na sila sa kanilang hygiene protocol.
Ano ang kinakain ng ispirito? Ano ang kinakain ng multo? Ano ang pagkakaiba ng ispirito at multo? Siguro kung natakot ka, multo yun. Kung di ka natakot, ispirito yun. Depende sa iyong naranasan. May ispirito at multo ba kahit wala ka pang naranasan? Ewan. Bakit may mga naghahain ng pagkain para sa kanilang mga ninuno? Baka amoy ang kinakain ng ispirito at multo. Amoy. Kaya may gumagamit ng incense, ng bulaklak, ng mga mababangong kahoy, mga pausok. Kaya may aromatherapy - para abutin ang ispirito ng tao habang di pa siya nagiging multo! Tama!
Ito ang dumadaloy sa aking kamalayan habang nilalagay sa wastong lagayan ang ebs ni Mr. Cat. Kung may Diyos man sinadya Niyang gawing super-baho ang ebs ng pusa para warningan ang lahat, pati na ang mga walang pang-amoy dahil sa birus, na may pusang naninirahan sa lugar na ito. Mag-ingat, dahil may topak ang mga ito. Laging may dalang patalim at di-tulad ng aso ang kanilang pakikitungo sa tao. Akala mo gustong magpalambing tapos pag hinawakan ay bigla na lang paduduguin ang iyong kamay.
Amoy ng aso't pusa, amoy ng bagong sinaing, amoy ng tao... ito ba ang kinakain ng ispirito at multo? Medyo malayu-layo na ang nilakbay ng aking pagiisip at wala pa ring kasagutan yung palaisipang "Sino ang nagsaing?".
Dumapo rin ang tanghali, medyo padabog, biglang init, biglang silaw. Tamang-tama, katatapos lang ng ligo ni Mr. Dog, mabilis siyang matutuyo. Lumabas si Maria, may dalang bowl na puno ng kanin at sinigang. Nakangiting inalok sa akin.
Ako pala yung nagsaing kanina. Nakalimutan ko lang, ika niya.
Case closed.



Comments